SAN JUAN Gym, Taytay, Rizal – Bilang tugon sa panawagan ng Department of Health (DOH) para sa mas maraming donasyon ng dugo, ang pamahalaang panlalawigan ng Rizal, sa pamumuno ni Rizal Gob. Jun Ynares ay muling magsasagawa ng isang bloodletting na tinaguriang “Sagip-Buhay” sa Setyembre 24 ng taong kasalukuyan, upang makakolekta ng donasyong dugo para sa mga nangangailangang biktima ng dengue sa lalawigan at sa Kamaynilaan. Muli, katuwang ng pamahalaang panlalawigan ang mga medical staff at volunteers at Philippine Red Cross – Rizal Chapter.
Matatandaang noong nakaraang buwan ay nagsagawa na rin ng Sagip-Buhay sa Binangonan plaza kung saan naubusan ang Red Cross ng blood bags dahil sa dami ng mga nagmamalasakit na Rizaleño na nag-donate ng dugo.
Kasabay ng bloodletting activity na ito ay ang medical-dental mission, reflexology services, at bakuna laban sa rabies sa mga aso na gaganapin naman sa patio ng simbahang katoliko na kalapit lamang ng San Juan gym.
Samantala, sa Event Center ng SM City Taytay magaganap naman ang Mobile Passport Service na handog ng Department of Foreign Affairs at ng pamahalaang panlalawigan ng Rizal. Nakipag-ugnayan na ang lalawigan sa lahat ng mga barangay sa bayang ito upang maipabatid ang gawaing ito na bahagi ng serbisyo-publiko ng pamahalaang panlalawigan.
Ang lahat ng mga naturang gawain ay bahagi ng pinaigting na serbisyo-publiko ng pamahalaang panlalawigan at bilang makabuluhang paraan ng pagdiriwang ng kaarawan ni dating Gob. Rebecca “Nini” A. Ynares, butihing ina ng kasalukuyang punong lalawigan Gob. Jun Ynares.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento