Leptospirosis ay isang impeksyon na dulot ng bacteria na siya namang taglay ng mga hayop (kung ang dengue na virus ay taglay ng lamok, ang leptospirosis naman ay bacteria na taglay ng hayop). Sa Pilipinas, mga daga ang karaniwang may dala ng sakit na ito. Dahil napakaraming daga kahit saan, lalong lalo na sa mga syudad, tuwing bumabaha ay maaaring sumama rin sa tubig baha ang bacteria na galing sa daga. Ito rin ang dahilan kaya hindi kagulat-gulat na ang tag-ulan ay siya ring panahon na tag-leptospirosis.
Nung taon 2009, pagkaraan ng bagyong si Ondoy ay napakaraming tao sa Maynila at iba pang lugar na nagkaron ng leptospirosis.
Ano ang mga sintomas ng leptospirosis? Gaya ng dengue, maaaring makaramdam ng lagnat, panginginig, sakit sa katawan at mga kasukasuan, at sakit ng ulo. Maaari ring maapektuhan ang atay (liver) na siyang nagdudulot ng paninilaw sa katawan, maging ang bato (kidneys) na siya namang nagdudulot ng ihi na kulay tsaa. Maaari ring maranasan ang sakit sa tiyan, pagsusuka, at pagtatae.
May mga iba't ibang laboratory test para malaman kung mayroon kang leptospirosis. Isa ang leptospirosis sa konsiderasyon kapag ang mga sintomas na nabanggit natin ay nakita - lalong lalo na kung ang pasyente ay nakapaglakad sa tubig-baha.
Mga antibiotics ang gamot sa leptospirosis, ngunit dapat doktor ang siyang magrereseta nito. Hindi pwedeng bumili lamang ng gamot sa sari-sari store o botika; kinakailangang pag-isipan ng doktor kung gaanong karami at gaanong kadalas iinumin ang gamot. Kung kulangin, baka mabulabog lamang ang mga mikrobio at hindi tuluyang masupil. Kung magkaganito, maaaring silang makabawi at hindi na talaban pa ng gamot.
Higit na mabuti sa lunas ang pag-iwas. Para makaiwas sa leptospirosis, iwasan ang paglalakad sa tubig baha tuwing umuulan, lalong lalo na kung may mga sugat ka sa paanan na siyang maaring gawing tulay ng mga bacteria para makapasok. Maari ding magsuot ng mga bota o boots kapag hindi maiiwasang lumusong sa tubig-baha. Huwag maligo sa maruruming tubig, at gawan ng paraan na masupil ang pagpunta ng mga daga at iba pang hayop sa inyong tahanan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento