KAPITOLYO NG RIZAL – Nagkaisa sa layunin ang ilang pampubliko at pribadong grupo na magtutulungan kontra sa paglaganap ng sakit na tuberculosis sa lalawigang ito, sa pamamagitan ng isang memorandum of understanding (MOU) na inilunsad kamakailan.
Ang pamahalaang panlalawigan, mga bayan at lungsod ay sinuportahan ng mga lokal na chapter ng Philippine Association of Medical Technologists (PAMET) at Philippine Association of Government and Private Midwives (PLGM); Department of Education, Department of the Interior and Local Government (DILG) and iba pang ahensya ng gobyerno; mga pampubliko at pribadong ospital at klinika; medical associations; at non-governmental organizations (NGOs), sa layuning makabuo ng komprehensibo at matatag na polisiya para sa pagkontrol laban sa tuberculosis sa lalawigan ng Rizal.
Ang MOU ay marka ng pagsisimula ng pagtutulungan ng pribado at publikong sektor upang siguruhin na ang mamamayan, partikular ang mga lubos na nangangailangan – kabataan, katutubo, mga nasa kulungan, at nasa malalayong lugar – ay makakatanggap ng karampatan at agarang lunas para sa TB.
Maliban sa pamahalaang panlalawigan ng Rizal, ang pondo ay magmumula sa Global Fund sa pamamagitan ng Philippine Coalition Against Tuberculosis (PhilCAT) na magmomonitor, magsusulong at magpapatupad sa pagsisimula ng mga proyekto.
“Lalo naming pinalakas ang anti-TB program sa pamamagitan ng partnership na ito at umaasa kami na tuluyan nang masusugpo ang pagkalat ng sakit na TB sa aming mga mamamayan,” pahayag ni Gob. Jun Ynares.
Matatandaang ang lalawigan ng Rizal ay tumanggap ng pagkilala mula sa Center for Health Development, Department of Health sa pagkakaroon ng pinakamataas na detection at cure rate ng tuberculosis sa buong Calabarzon region.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento